“Tsokolate, bahaghari, tayo, Mundo!” Kung lahat sana ng mga ito ang tatambad sa bawat kamalayan ng mumunting anghel sa ‘di kalayuan ng aking kinatatayuan ay marahil wala na silang kakatakutan pa. Hindi na muling magtatangkang tumakas pa sa mundong kanilang kinabibilangan.
Malawak ang palaruan. Napapaligiran ng puno at malamig na hangin. Ibat’ ibang mukha ng karanasan ang makikita mo doon. Sa tuwing makakakita at makakasalamuha sila ng mga nilalang na nagmula sa reyalidad, may ilang agad napapawi ang lungkot at mapapalitan ng halakhak na tila muling bubuo sa kanilang katauhan.
Makulay ang paligid. Masarap makipaglaro ng taya-tayaan. Mainam rin pala kung magbabahagi ka ng sarili mo sa kanila. Sasamahan mo sila sa bawat tawa nila, patatawanin sa puntong bigla silang malulungkot ng hindi mo naman nalalaman, at higit sa lahat, sasabay ka sa agos nila—masalamuot. Mapapatungo at magkukubli ka na lang.
Kung pwede lang lahat sila bigyan ko ng ice cream. Kung ang isang ikot lang sa ferris wheel ang makakapagpagaling sa kanila. Kung lahat sana ng nararanasan ko ngayon sa Mundo ko ay maibibigay ko rin sa kanila. Pana-panahon nga naman.
Tumingin ka rin sa mga mata nila. Subukan mong makipag-kwentuhan. Marami kang matututunan. Sabay ninyong langhapin ang sariwang hangin, malayo sa reyalidad. Ibigay mo rin sa kanila ang pagtanggap mo sa akin, mas maniniwala sila sa iyo. Samahan mo silang umiyak, makikita mong sila pa ang magpupunas ng luha mo.
Ako? Kakapit ako sa kanila. Haharapin ko rin ang pagdating ng dapit-hapon. Magpapatangay ako sa ihip ng hangin. Lalasapin ko ang panahong ako’y muling nakatira sa mundo nila.
Masarap ulit-ulitin at mulit-muling balikan ang larawan na iyon. Puno ng aral, dalamhati, luha at pananalig.
Ilang hakbang na lang maaabot ko na rin sila. Dadalhin ko sila sa Malaya kong mundo. Doon, ako ang magsisilbing kandila nila. Sa bawat aking pagluha, kaakibat ang nagliliwanag na pangarap.
Buti na lamang maraming mabubuting kalooban ang kumukupkop sa kanila. Ngayon ay patuloy pa rin ang pagdagsa ng mga tulong, donasyon at maging mga panalangin. Nakakaalarma na marami na silang nakakaranas ng matinding dagok na iyon at ang mas nakakapanglumo pa ay ang mga munting anghel na walang kamuwang-muwang na isa sila sa mga tinamaan ng sakit na Big C.
Hindi ko lamang sila ilalayo, ipapakilala ko sila sa Mundo ko na kung saan magiging iisa ang hangin na aming lalanghapin. Sila ang nota, ako ang himig. Iisa ang aming mithiin.
Naglakbay ako kasama ng kanilang samu’t saring karanasan.
Saturday, September 6, 2008
Subscribe to:
Comments (Atom)
